Home HOME BANNER STORY Sotto: Draft report ng Senado sa flood control isyu ‘di opisyal, ‘di...

Sotto: Draft report ng Senado sa flood control isyu ‘di opisyal, ‘di puwedeng ilabas

164
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na ang draft committee report ng Senate blue ribbon committee tungkol sa umano’y anomalya sa mga flood control project ay hindi pa opisyal at hindi maaaring ilabas sa publiko.

Ito ang tugon ni Sotto sa petisyon na humihiling ng buong pagbubunyag ng naturang draft report. Ayon sa kanya, may tiwala siya na alam ng blue ribbon committee, na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, kung paano haharapin ang ganitong mga petisyon.

“It’s a draft and therefore not official. If the other committee members have not even read or seen it, it cannot be made public. They met [Wednesday and] agreed on how the committee report may be filed,” ani Sotto.

Sa draft na kumalat noong Martes, inirekomenda ng komite na imbestigahan at kasuhan sa direct bribery ang ilang opisyal, kasama ang mga umano’y kasabwat nilang contractor. Kabilang sa mga pinangalanan sina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Sen. Chiz Escudero, at dating Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy.

Noong Pebrero 4, naghain ng petisyon para sa full disclosure ang mga abogado na sina Eldrige Marvin Aceron, Sikini Labastilla, at Purificacion Bartolome-Bernabe. Si Aceron rin ang abogado na naghain ng ethics complaint laban kay Escudero kaugnay ng P30 milyong donasyon mula sa flood control contractor na si Lawrence Lubiano noong kampanya sa 2022.

Sa kanilang petisyon, iginiit ng mga abogado na nailathala na ng media ang draft report at ang pag-atras ng pirma nina Sen. JV Ejercito, Juan Miguel Zubiri, at Sherwin Gatchalian. Hinihiling nila ang paglabas ng unredacted na draft, pagpreserba ng lahat ng bersyon, paliwanag ng tatlong senador kung bakit umatras ang kanilang mga pirma, at pagsusumite ng kopya sa Ethics Committee.

Sinabi ni Aceron na batay ang kanilang petisyon sa Artikulo III, Seksyon 7 ng 1987 Konstitusyon, o ang karapatan ng publiko sa impormasyon. “Self-executory. No permission needed,” ani niya.

Sa hiwalay na mensahe, sinabi naman ni Lacson na tutugon sila sa petisyon matapos kumonsulta sa mga miyembro ng blue ribbon at sa Senate legal team.

Naging kontrobersyal ang draft report matapos itong ma-leak sa media, at muling iginiit ni Sotto na ito ay hindi opisyal, kaya umatras ang pirma ng tatlong senador. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here