CAGAYAN, Philippines – Himas rehas ngayon ang isang 67-anyos na lolo matapos ireklamo ng 105 beses na panggagahasa sa sarili nitong apo sa Allacapan, Cagayan.
Ayon sa pulisya, nasa No. 3 most wanted person sa rehiyon ng Cagayan Valley, ang nadakip na suspek sa bisa ng mga warrant of arrest para sa 105 bilang ng rape, 105 bilang ng sexual assault, at tatlong bilang ng acts of lasciviousness na noo’y 12-anyos pa lamang ang kanyang apo.
Lumabas sa imbestigasyon na sinimulan umanong halayin ng suspek ang biktima noong pitong taong gulang pa lamang ito noong 2020.
Nanirahan ang biktima sa parehong bahay kasama ang suspek at ang kanyang lola. Ang mga magulang ng biktima ay may kanya-kanyang pamilya at nagtatrabaho sa malalayong bayan.
Dahil sa takot, matagal na hindi nailantad ng biktima ang pang-aabuso. Kalaunan, naglakas-loob siyang ipaalam ito sa kanyang ina sa pamamagitan ng chat, na nagtulak sa kanyang ama na agad magsampa ng reklamo laban sa suspek.
Pinuri ni Police Regional Office-2 Director Police Brig. Gen. Antonio P. Marallag Jr. ang mga pulis sa matagumpay na pag-aresto.
“Ang matagumpay na pag-arestong ito ay patunay ng walang sawang dedikasyon ng ating kapulisan sa pagtugis sa mga wanted na indibidwal, lalo na sa mga kasong tulad ng panghahalay. Ito ay alinsunod sa direktiba ng administrasyon na palakasin ang kampanya laban sa kriminalidad, tiyakin ang hustisya para sa mga biktima, at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad,” ani Marallag. /Mary Anne Sapico