MANILA, Philippines – Inihain na ng Department of Justice (DOJ) sa Korte Suprema ang reklamong cyberlibel na isinampa ni Senador Risa Hontiveros.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon sa isang press conference na kinasuhan ng cyberlibel si Michael Mauricio, alyas “Rene.”
Ayon sa DOJ, si Mauricio ay umano’y tumanggap ng P1 milyong suhol kapalit ng pagtigil sa kanyang testimonya sa Senado laban kina Pastor Adolfo Quiboloy, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Vice President Sara Duterte.
Nilinaw ng DOJ na hindi kasama bilang respondent si Mauricio sa hiwalay na cyberlibel complaint na inihain ni Hontiveros laban sa mga nagpakalat ng video ng testigo sa social media.
Samantala, sinabi ni Fadullon na bukas ang DOJ na gamitin ang Senate Blue Ribbon Committee report kaugnay ng imbestigasyon sa flood control.
“Sa ngayon hindi pa namin nakikita yung draft, Committee report sent by Senate Blue Ribbon Committee,” ani Fadullon.
Dagdag niya, nais muna nilang suriin ang ulat hindi bilang direktang basehan ng pagsasampa ng kaso, kundi upang mangalap ng ebidensya at tukuyin kung may mga lead na maaaring sundan at i-refer sa National Bureau of Investigation (NBI).
Gayunman, sinabi niya na hinihintay pa ng DOJ ang pinal na report ng komite bago gumawa ng anumang aksyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden