MANILA, Philippines – Halos magkasabay na sumiklab ang dalawang magkahiwalay na insidente ng sunog sa Maynila sa loob lamang ng isang araw nitong Biyernes ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD).
Unang nagkaroon ng sunog sa isang bahay sa Guidote Street, Sampaloc, Maynila dakong alas 11:58 ng umaga kung saan nagsimula sa isang dalawang palapag na bahay na gawa sa light materials na pag-aari ng isang Gloria Arenas.
Ang sunog ay umabot lamang sa unang alarma at agad ding naapula.
Bandang alas 12:43 naman ng tanghali nang sumiklab ang sunog sa ilang kabahayan sa Concuera Street sa Tondo kung saan umabot sa P90,000 halaga ng mga ari-ariang natupok ng apoy.
Ayon sa isa sa may-ari ng bahay na nasunog, nakahiga sa kanyang kama nang makaamoy ng tila kandila sa likurang bahagi ng kanyang bahay. Nang kanyang tingnan, napansin nang may apoy, kaya agad tinawag ang pansin ng mga kapitbahay.
Naapula rin makalipas ng isang oras ang sunog at anim na kabahayan lamang ang naapektuhan sa insidente.
Wala pang inilalabas na inisyal na ulat ang Bureau of Fire Protection-NCR sa mga nangyaring sunog habang inaalam pa ng MPD ang naging sanhi at kabuuang pinsala at naapektuhan sa naturang insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden