Home NATIONWIDE Luistro: Fast-track impeachment vs VP Sara puwede pa, pero may pag-iingat

Luistro: Fast-track impeachment vs VP Sara puwede pa, pero may pag-iingat

221
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Batangas Rep. Gerville Luistro na maaari pa ring gamitin ang fast-track method sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, basta’t hindi pa naire-refer sa House committee on justice ang dalawang reklamong inihain.

Gayunman, iginiit ni Luistro na kailangan ng matinding pag-iingat, dahil ang fast-track din ang dahilan kung bakit idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang unang impeachment laban kay Duterte noong Pebrero 5, 2025. Ayon sa Korte Suprema, nilabag noon ang one-year bar rule, na nagsasaad na isang impeachment proceeding lang ang maaaring simulan sa loob ng isang taon.

“That is still an available option… that is still a possible option,” ani Luistro, na tinukoy ang posibilidad ng agarang pag-transmit sa Senado kung may reklamo na pirmahan at aprubahan ng hindi bababa sa isang-katlo ng lahat ng miyembro ng Kamara.

Ngunit dagdag niya, “the necessary caution needs to be observed,” dahil sinabi ng Korte Suprema na dapat may abiso sa respondent at mabigyan ito ng pagkakataong sumagot sa reklamo.

Ang fast-track o ikatlong paraan ng impeachment ay naa-activate kapag isang-katlo ng lahat ng kongresista ang naghain at lumagda sa reklamo. Kapag nangyari ito, ang reklamo ay agad nagiging Articles of Impeachment at direktang ipinapadala sa Senado para sa paglilitis.

Sa ngayon, sinabi ni Luistro na wala pa siyang impormasyon kung may mga mambabatas nang nangangalap ng pirma para maabot ang one-third requirement.

Matatandaang unang na-impeach si Duterte noong Pebrero 5, 2025 matapos lumagda ang 215 sa 306 kongresista sa reklamo kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagbabanta sa mga opisyal, at iba pang posibleng paglabag sa 1987 Constitution. Ngunit noong Hulyo 25, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang impeachment dahil sa one-year bar rule. Noong Enero 29, tuluyan nang ibinasura ng SC ang motion for reconsideration ng Kamara.

Samantala, sinabi rin ni Luistro na maaari pang maghain ng karagdagang reklamo laban kay Duterte hangga’t hindi pa naipapasa sa justice committee ang dalawang kasalukuyang reklamo. Ayon kay House Secretary General Cheloy Garafil, naipadala na ang dalawang reklamo—mula sa Makabayan Coalition at civil society groups—sa tanggapan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.

Batay sa desisyon ng SC, may 10 session days para maisama ang mga reklamo sa Order of Business, at may tatlong session days naman para maipasa ito sa justice committee.

“So, since na-transfer na… the next step will be the inclusion of the impeachment complaints in the Order of Business,” paliwanag ni Luistro, at idinagdag na hangga’t wala pang reklamong naire-refer sa justice committee, malaya pa ring maghain ang ibang grupo dahil hindi pa epektibo ang one-year prohibition period.

Nauna ring sinabi ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na walang pumipigil sa mga mambabatas na gamitin muli ang fast-track method. Ayon naman sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), wala ring nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal dito.

Sa ngayon, wala pang pahayag kung itutulak ng House Majority ang fast-track impeachment. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here