MANILA, Philippines – Umakyat na sa 12 ang bilang ng mga nasawi sa Bagyong Basyang hanggang nitong Sabado ng gabi, Pebrero 7, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sa kabila nito, ang naturang bilang ay isasailalim pa sa beripikasyon.
Ayon kay OCD spokesperson Junie Castillo, ang siyam na nasawi ay mula sa Northern Mindanao (Region 10), kabilang ang apat na miyembro ng pamilya na nasawi sa landslide sa Cagayan de Oro City.
Apat naman ang naitalang nasawi sa Lanao del Norte, kung saan tatlo ang mula sa Iligan City at sumasailalim pa sa validation.
Natagpuan namang wala nang buhay ang isa pang indibidwal na naunang iniulat na nawawala sa landslide.
Samantala, tatlo ang iniulat na nasawi sa Caraga Region. Dalawa rito ang mula sa Surigao del Sur at isa sa Agusan del Norte na dahil sa pagkalunod.
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabuuang 128,110 pamilya o 455,640 indibidwal ang apektado ng bagyong Basyang mula sa 695 barangay. RNT/JGC