MANILA, Philippines – Bumwelta si Vice President Sara Duterte sa inihaing impeachment complaint ng Akbayan laban sa kanya.
Aniya, walang kalakip na ebidensya ang magpapatunay sa mga paratang na inihain laban sa kanya at ito ay purong pamumulitika lamang.
Ang video message ni Duterte ay inilabas isang araw matapos na ipasa ni House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil ang dalawang impeachment complaint laban sa kanya sa tanggapan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Ang unang verified complaint ng impeachment ay isinampa ng mga miyembro ng Makabayan Coalition at inendorso nina ACT Teachers party-list Representative Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Representative Sarah Jane Elago, at Kabataan Party-list Representative Renee Louise Co.
Kabilang sa mga nagrereklamo ay ang mga kasalukuyan at dating mambabatas at lider na sina France Castro, Arlene Brosas, Liza Maza, Neri Colmenares, Renato Reyes Jr., Raymond Palatino, at iba pa.
Samantala, ang ikalawang impeachment complaint naman ay inendorso nina Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima at Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña.
Ang mga petitioner naman dito ay mula sa mga progresibong organisasyon at civil society groups kasama sina Francis Joseph “Kiko” Aquino Dee, Sylvia Estrada Claudio, Teresita Quintos Deles, dating Ifugao representative na si Teodoro Baguilat Jr., at labor leader Josua Mata.
“Ang impeachment complaint na inendorso ng Akbayan ay isang papel na walang kalakip na kahit anong ebidensiyang magpapatunay sa mga paratang na isinasaad dito,” ani Duterte.
“Hindi na ito bago. Matatandaan na ang impeachment laban sa akin ang naging sagot nila sa aking pag-alis sa Gabinete—isang hakbang na isinagawa dahil hindi na maipaliwanag ng Pangulo ang patuloy na pagkalugmok ng bayan sa kahirapan dulot ng kanyang kapabayaan at bisyo,” dagdag pa nito. RNT/JGC