MANILA, Philippines – Nanawagan si House tourism committee vice chairman at Palawan Representative Gil Acosta ng congressional review sa paggamit ng mga travel tax na nakokolekta mula sa mga biyaherong Pinoy na patungo sa ibang bansa.
“Definitely,” sagot ni Acosta nang tanungin kung kailangan bang imbestigahan kung saan ginagamit ang nakokolekta sa travel tax.
“Dapat natin balikan kung tama ba ‘yung nagamit. Kung saan nagamit at kung ano ang naging epekto sa tourism industry,” ani Acosta.
Sinabi pa ng mambabatas na umaabot sa P4 bilyon hanggang P5 bilyon taon-taon ang koleksyon ng travel tax at ang mga ito ay pinaghahatian ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Commission on Higher Education (CHED), at cultural sector.
Ani Acosta, sasakupin ng imbestigasyon ang pre-pandemic at post-pandemic periods upang malaman kung nagagamit nang tama ang travel tax proceeds at kung napabubuti nito ang tourism sector.
Idinagdag pa niya na ang isyu ay nangangailangan ng mahigpit na koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Tinukoy din ni Acosta ang isyu ng kulang na infrastructure support sa kanyang probinsyang Palawan na isa sa top destination sa Pilipinas sa mga turista.
“For example kung kayo pupunta sa aming lalawigan, pupunta kayo ng Puerto Princesa, ang akala ng tao ang El Nido ay 30 minutes away. But it’s not. It’s almost four hours. Kung mabagal-bagal mga five hours.”
Pending pa sa House Committee on Tourism ang ilang panukala kabilang ang House Bill (HB) 7443 na inihain ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, na nananawagan ng agarang pagtanggal sa travel tax.
Sa ilalim ng HB 7443, ang travel tax na ipinapataw sa ilalim ng Presidential Decree 1183 at related provisions ng Tourism Act of 2009 ay aalisin na. Kasalukuyang nasa P2,700 ang travel tax para sa first-class passengers at P1,620 sa economy travelers. RNT/JGC