Home NATIONWIDE PH foreign reserves pumalo sa 16-month high noong Enero

PH foreign reserves pumalo sa 16-month high noong Enero

202
0

MANILA, Philippines — Umakyat sa 16-month high ang gross international reserves (GIR) ng Pilipinas noong Enero 2026, bunsod ng pagtaas ng halaga ng gold reserves ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at pagpasok ng pondo mula sa offshore bond sale ng administrasyong Marcos.

Batay sa datos ng BSP, umabot sa $112.5 bilyon ang GIR ng bansa, mas mataas ng 9% kumpara noong nakaraang taon at pinakamataas mula Setyembre 2024.

Lumampas din ito sa target ng BSP na $110 bilyon para sa buong 2026.

Malaking ambag sa pagtaas ang gold reserves, na tumaas ng halos 76% taon-sa-taon sa $20.7 bilyon, ang pinakamataas na antas mula pa noong 1971, kasunod ng pag-akyat ng pandaigdigang presyo ng ginto.

Dahil dito, umabot na sa mahigit 18% ng kabuuang reserves ang bahagi ng ginto mula sa 11% noong nakaraang taon.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., patuloy na pananatilihin ng bangko sentral ang isang well-diversified reserve portfolio at magbebenta lamang ng ginto kung ito ay maging sobrang laki ng bahagi sa kabuuang assets.

Tumaas din ng 61% ang foreign exchange holdings ng BSP sa $1.2 bilyon, matapos ang multi-tranche dollar bond sale ng pamahalaan noong Enero. Samantala, umakyat sa $86 bilyon ang foreign investments ng BSP, na bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng reserves.

Ang kasalukuyang antas ng GIR ay sapat para tustusan ang 7.5 buwang imports ng bansa at katumbas ng halos apat na beses ng panandaliang panlabas na utang ng Pilipinas. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here