Home NATIONWIDE Comelec nagbabala vs premature campaigning sa Antipolo special polls

Comelec nagbabala vs premature campaigning sa Antipolo special polls

229
0

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidatong lalahok sa special elections sa ikalawang distrito ng Antipolo laban sa maagang pangangampanya bago ang itinakdang campaign period.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ituturing agad na kandidato ang sinumang naghain ng certificate of candidacy (COC) mula Pebrero 5 hanggang 7, 2026, dahil manual ang isasagawang halalan sa Marso 14, 2026.

Ipinunto ni Garcia na sa manual elections, ang paghahain ng COC ay katumbas na ng pagiging opisyal na kandidato, kaya’t bawal ang pangangampanya bago ang campaign period na tatakbo mula Pebrero 12 hanggang Marso 12, 2026.

“Kapag naghain ka ng COC, ikaw ay kandidato na. Ibig sabihin, bawal ang mangampanya, manlibre, mag-post ng campaign materials, at humingi ng boto. Maaari itong maging batayan ng diskuwalipikasyon at election offense,” ani Garcia.

Binigyang-diin din ng Comelec na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng pondo ng gobyerno, vote-buying at vote-selling, alinsunod sa Omnibus Election Code.

Sa panahon ng kampanya, ipinagbabawal din ang pagsira o pagtanggal ng campaign materials, pamimigay ng donasyon, paggamit ng armadong sasakyan o tauhan, at pagtatalaga ng mga pulis bilang personal bodyguards ng mga kandidato.

Bukod dito, mula Pebrero 12 hanggang Marso 13, 2026, ipagbabawal ang paglalabas ng pampublikong pondo, konstruksyon ng public works, at pagkuha o pag-promote ng mga kawani ng gobyerno.

Ipinagbawal din ang pamamahagi ng ayuda mula Marso 4 hanggang Marso 13, maliban sa tulong medikal at burial assistance.

Isasagawa ang special elections matapos pumanaw si Rep. Romeo Acop noong Disyembre 2025.

Ayon kay Garcia, inaatasan ng Konstitusyon ang Comelec na magsagawa ng special election sa loob ng 60 hanggang 90 araw mula nang mabakante ang posisyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here