MANILA, Philippines – Nagbabala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado laban sa mga tinawag niyang “homegrown traitors,” o mga Pilipinong handang ibenta ang Pilipinas kapalit ng pansariling pakinabang.
Tinutukoy ni Lacson sina Senador Rodante Marcolet at Robin Padilla na patuloy na nagtatanggol sa pambubully at panggigipit ng China laban sa mangingisda at sundalong Filipino na naglalayag sa West Philippine Sea (WPS).
Ani Lacson – na mahigit limang dekada nang naglilingkod sa bayan kung saan halos kalahati nito ay ginugol sa intelligence work – ang ganitong mga traydor, kasama ng technical intelligence, ang pinakakaraniwang pinanggagalingan ng impormasyon sa geopolitics.
“In geopolitics, the most common sources of information are technical intelligence and homegrown traitors who are willing to sell their country in exchange for what’s in it for them. In intelligence operations, it is called ‘recruitment in place,’” ani Lacson sa kanyang post sa X.
Nito ring Sabado, mariing tinutulan ni Lacson ang mungkahi na isuko ang Kalayaan Island Group (KIG), na aniya’y walang pinagkaiba sa pagsuko ng Luzon o maging ng buong bansa.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments noong nakaraang Miyerkules, kinontra ni Lacson ang mungkahi ni Marcoleta na isuko ng Pilipinas ang KIG sa pamamagitan ng pagbanggit sa matagal nang umiiral na legal na prinsipyo na sumusuporta sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa KIG.
Ipinaliwanag niya na ang abogado at adventurer na si Tomas Cloma ang nakatuklas sa Spratly Islands at sinakop ang mga ito sa ilalim ng prinsipyo ng “res nullius,” kung saan ang sinumang makatuklas at makapanakop sa lupain ay kinikilalang may-ari nito. Kalaunan, isinuko ni Cloma ang pagmamay-ari ng nasabing lupain sa pamahalaan ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, may Pilipinong naninirahan sa KIG, isang bayan sa Palawan na binisita ni Lacson noong 2021.
Matagal na ring pinagtatanggol ni Lacson – na nagsilbi sa Philippine Constabulary at bilang Philippine National Police Chief at ngayon ay Senador – ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kabilang ang pagtutol sa pambu-bully ng China sa lugar. Ernie Reyes