Home NATIONWIDE Impeachment ni VP Sara malabo kung mapalitan si Sotto bilang Senate President...

Impeachment ni VP Sara malabo kung mapalitan si Sotto bilang Senate President – Drilon

210
0

MANILA, Philippines — Malabong umusad ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado kung mapapalitan si Senate President Tito Sotto, ayon kay dating Senate president Franklin Drilon.

Sa paglulunsad ng kanyang autobiography na “Being Frank: A Memoir” noong Lunes, sinabi ni Drilon na malinaw sa kanya na ang mga kasalukuyang impeachment complaint laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Duterte ay “prelude” lamang sa 2028 presidential elections.

“Aminin na natin. Kapag napalitan si Senate President Sotto, hindi matutuloy ang impeachment trial kay Vice President Duterte kahit umabot pa sa Senado ang reklamo,” ani Drilon.

Aniya, kung mananatili naman si Sotto sa puwesto, malinaw ang pahayag nito na agad nitong sisimulan ang paglilitis kapag inakyat na ang reklamo sa Senado.

Binigyang-diin din ni Drilon na bagama’t pulitikal ang proseso ng impeachment, dapat manaig ang interes ng publiko at ebidensiya kaysa sa partidong politikal.

Nang tanungin kung may papel si Pangulong Marcos sa impeachment at sa usaping 2028, diretsahang sinabi ni Drilon na natural lamang ang pakikialam sa ganitong proseso.

“Hindi naman tayo ipinanganak kahapon. May mga tawagan na iyan,” ani Drilon, sabay paalala na ang impeachment ay hindi lamang hudisyal kundi pulitikal din.

Mariing itinanggi ng kampo ni Marcos ang anumang pakikialam, iginiit na hahayaan ng Pangulo na umusad ang proseso ayon sa batas.

Sa kasalukuyan, may tatlong bagong impeachment complaints na nakabinbin laban kay Duterte sa Kamara. Una siyang na-impeach noong Pebrero 5, 2025, ngunit hindi natuloy ang Senado trial matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Articles of Impeachment dahil sa one-year bar rule ng 1987 Constitution.

Samantala, ang impeachment complaint laban kay Marcos ay ibinasura ng Kamara dahil sa kakulangan sa porma at substansiya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here