MANILA, Philippines – Arestado ang isang high-value drug suspect matapos makumpiskahan ng mahigit P2.48 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy bust operation sa Cortes, Bohol.
Naganap ang operasyon sa Purok 8, Barangay De La Paz sa ilalim ng Special Operations Unit 7 ng PNP Drug Enforcement Group.
Nakipag-ugnayan ang mga ito sa Integrity Monitoring and Enforcement Group 7, Regional Intelligence Unit 7, Philippine Drug Enforcement Agency–Central Visayas at Cortes Municipal Police Station sa ilalim ng Bohol Police Provincial Office.
Tinukoy bilang high-value individual ang naarestong suspek.
Narekober sa operasyon ang limang heat-sealed plastic packs na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nagkakahalaga ito ng P2,482,000. Narekober din sa suspek ang iba’t ibang drug paraphernalia.
Itinurn-over na ang mga nakumpiskang item sa Bohol Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination.
Nasa kustodiya naman ng Cortes Municipal Police Station ang suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC