MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko laban sa mga “love scams” ngayong darating na Araw ng mga Puso.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ginagamit ng mga scammer ang kalungkutan, tiwala, at pag-asa ng mga tao, lalo na sa online platforms, upang linlangin ang biktima.
Mula Enero 1 hanggang Pebrero 5, naitala ang anim na kaso ng love scams, kumpara sa 54 noong 2025 at 75 noong 2024.
Karaniwang nagsisimula ang scam sa online contact, kung saan nagpapanggap ang mga scammer bilang dayuhan o overseas Filipino workers.
Mabilis silang nagpapahayag ng pagmamahal, iniiwasan ang video calls, at kalaunan humihingi ng pera, pondo para sa pagbisita, o sensitibong impormasyon tulad ng bank details o ID.
Kadalasang target ang matatanda at mga single, biyudo, o emosyonal na bulnerable.
Ipinaalala ni Nartatez na huwag magpadala ng pera, pribadong larawan o video, o personal na impormasyon sa mga taong hindi pa personal na nakikilala at na-verify. Santi Celario