Home METRO Rumespondeng pulis, minartilyo sa ulo, grinipuhan pa; suspek, todas

Rumespondeng pulis, minartilyo sa ulo, grinipuhan pa; suspek, todas

171
0

MANILA, Philippines – Todas ang isang lalaki nang gantihan ng putok ng isang rumespondeng pulis-Maynila na kanyang minartilyo sa ulo at sinaksak sa tagiliran sa Sta. Ana, Maynila.

Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang napatay na suspek na si Christopher Glenn Miralles, 41 anyos, residente ng Punta, Sta. Ana.

Sa imbestigasyon ng MPD, nakatanggap ng tawag sa 911 ang mga tauhan ng Police Station 6 kaugnay sa insidente ng domestic violence noong Martes ng gabi.

Agad na tumugon sina Patrolman Reygie P. Pellas at Cpl. Jhomer C. Castillo ng nasabing istasyon ng pulisya.

Pagdating sa lugar, tinulungan ng mga pulis si Miralles at ang kanyang asawa na si Annabelle at dinala sa barangay hall upang ayusin ang kanilang problema.

Sa kanilang pag-uusap sa barangay, humiling ang ginang ng protection order na nakatakdang ilabas kinabukasan.

Pagkatapos ng pag-uusap, sinamahan ni Pat. Pellas ang ginang na bumalik sa kanilang bahay dahil sa takot sa kanyang kaligtasan. Subalit pagdating sa ikatlong palapag, biglang lumitaw ang suspek at muling sinaktan ang babae, kaya tumakbo ito papasok sa kanilang bahay.

Pabalik na noon si Pat. Pellas sa kanyang duty sakay ng motorsiklo nang mabanggit naman ng isang sekyu sa Jamie Cardinal Sin Village na naunang bumalik ang suspek.

Bunsod nito, agad-agad siyang bumalik sa gusali, kung saan niya inabutan ang suspek sa ground floor. Ngunit hindi pa man nakakababa sa motorsiklo, inatake na siya ng suspek, minartilyo sa ulo, at sinaksak pa sa kaliwang bahagi ng katawan.

Bilang self-defense, nagawang magpaputok si Pat. Pellas at tinamaan ang suspek, na dinala pa sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Dinala rin sa Philippine General Hospital ang sugatang pulis para malapatan ng agarang lunas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here