Home NATIONWIDE Kamara nagsimula ng konsultasyon sa Anti-Political Dynasty Act

Kamara nagsimula ng konsultasyon sa Anti-Political Dynasty Act

191
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III nitong Huwebes ang kahalagahan ng bukas at tapat na konsultasyon sa publiko habang sinimulan ng House of Representatives ang nationwide consultations sa panukalang Anti-Political Dynasty Act.

Layunin ng konsultasyon na makuha ang malawak na pananaw ng mamamayan sa matagal nang usapin.

Ang unang konsultasyon ay ginanap sa Carsigma Gym, Sugar Road, Carmona City, sa pangunguna ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, Chair ng House Committee on Electoral Reforms and Suffrage.

Sa isang video message, sinabi ni Dy na ang konsultasyon ay bahagi ng commitment ng Kamara na bumuo ng mahahalagang batas sa pamamagitan ng transparent at tapat na dayalogo sa mga Pilipino.

“Alam po namin na kasama ng isyung ito ang iba’t ibang pananaw, karanasan, at saloobin. Kaya’t hindi po kami narito upang magtakda ng pasya; narito kami upang makinig,” ani Dy. Idinagdag niya na bukas ang Kamara sa lahat ng tinig mula Luzon, Visayas, at Mindanao.

Nakatuon ang konsultasyon sa ilang anti-political dynasty bills, kabilang ang House Bill No. 6771 na isinampa ni Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos. Layunin ng panukala na ipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution tungkol sa political dynasties sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga ipinagbabawal na ugnayan sa pamilya at limitasyon sa paghawak ng elective posts.

Ayon kay Dy, matagal nang hinihiling ng publiko ang reporma, at ang konsultasyon ay paraan upang maipahayag ang iba’t ibang opinyon bago gawin ang desisyon. Pinayuhan niya ang mga kalahok na panatilihing mahinahon, bukas, at magalang ang talakayan.

Ani Adiong, layunin ng konsultasyon na marinig ang boses ng mamamayan bago maisapinal ang panukala. Dinaluhan ang unang konsultasyon ng tinatayang 1,500 katao mula sa kabataan, barangay officials, NGOs, women’s groups, barangay health workers, at mga empleyado ng gobyerno.

Magpapatuloy ang mga karagdagang konsultasyon sa buong bansa bago ipagpatuloy ang deliberasyon ng komite sa panukala. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here