Home NATIONWIDE Maging ‘protektado’ sa Valentine’s – DOH

Maging ‘protektado’ sa Valentine’s – DOH

156
0

MANILA, Philippines – Naglabas ng paalala ang Department of Health (DOH) na hinihikayat ang publiko na gumamit ng ligtas na pakikipagtalik at proteksyon upang maiwasan ang sexually transmitted infections (STIs), kabilang ang human immunodeficiency virus (HIV).

Ginawa ang paalala ng DOH isang araw bago ang pagdiriwang ng Valentine’s Day sa Pebrero 14.

Sa isang Facebook post na pinamagatang “DOH Valentine’s Day Reminder #2,” binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng proteksyon, lalo na para sa mga nasa dating stage o hindi pa kasal.

“Kung nasa dating stage pa lang o hindi pa kasal, pinakamabuti ang paggamit ng proteksyon sa pakikipagtalik,” ayon sa DOH noong Huwebes, Pebrero 12.

Binanggit din ng DOH na hindi sapat ang tiwala lamang pagdating sa sexual health. Dapat umanong may kasiguraduhan pagdating sa proteksyon laban sa sexually transmitted infections gaya ng HIV.

Hinikayat ng DOH ang mga indibidwal na maging proactive sa pangangalaga ng kanilang kalusugan at binanggit na libre ang mga preventive tools.

“Maging proactive: libre lang makukuha ang combination prevention tulad ng condoms, lubricants, at pre-exposure prophylaxis (PrEP) para masiguro ang proteksyon mula sa HIV kung makikipagtalik,” pahayag ng DOH.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang condoms ay ligtas at epektibo sa pag-iwas sa karamihan ng sexually transmitted infections, kabilang ang HIV, at hindi inaasahang pagbubuntis kapag ginamit nang tama at palagian.

Samantala, ipinaliwanag ng WHO na ang pre-exposure prophylaxis o “PrEP” ay tumutukoy sa paggamit ng antiretroviral medication ng mga HIV-negative na indibidwal upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng HIV.

— Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here