Home NATIONWIDE Tricycle driver na ‘di imbitado sa bday, kinatay ng kapwa tsuper

Tricycle driver na ‘di imbitado sa bday, kinatay ng kapwa tsuper

189
0

TACLOBAN CITY — Patay ang isang tricycle driver matapos pagsasaksakin ng kapwa niya driver matapos umanong dumalo sa birthday party ng apo ng huli kahit hindi naman siya imbitado, iniulat sa bayan ng Laoang.

Kinilala ang biktimang si Oscar Herrebilestamo, 56, at residente ng Barangay Sto. Niño, Laoang, habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na kinilala sa alyas Carlo, 45, at residente ng Barangay San Miguel Heights ng nasabing bayan.

Batay sa ulat ng Laoang Municipal Police Station, alas-5:00 ng hapon noong Miyerkules naganap ang krimen sa tapat ng bahay ng suspek sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na abala ang suspek sa pag-aasikaso sa birthday party ng kanyang apo nang dumaan ang biktima sakay ng kanyang tricycle.

Dito, bigla na lamang umanong pumasok ang biktima sa party kahit hindi siya imbitado, dahilan upang komprontahin ito ng suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Nainis ang suspek at kinuha nito ang patalim na ginagamit sa pagtadtad ng lechon at pinagsasaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nagawa pa umanong makatakbo ng biktima patungo sa kanyang tricycle subalit bigla na lamang itong bumagsak at naliligo sa sariling dugo.

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Laoang MDRRMO at dinala sa pinakamalapit na ospital ang biktima, ngunit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Kasalukuyang nakakulong sa lock-up cell ng Laoang PNP ang suspek at nahaharap sa kasong homicide.

Sinabi ng pulisya na matagal nang may alitan ang suspek at biktima at muling naungkat ito dahil sa pagdalo ng huli sa birthday party ng apo ng suspek kahit hindi siya imbitado.

— Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here