Home METRO Kelot, swak sa boga, droga, at carnapping sa Pasay

Kelot, swak sa boga, droga, at carnapping sa Pasay

149
0

MANILA, Philippines – Patong-patong na kaso ang kinahaharap ng isang 43-taong gulang na lalaki na naunang inireklamo na may dalang baril sa Pasay City noong Miyerkules ng hapon, Pebrero 11.

Kinilala ni Pasay City Police Chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Joven Jopac, 43, residente ng Kamagong St., Barangay 145, Pasay City.

Batay sa ulat na isinumite ni De Sesto kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Maj. Gen. Anthony Aberin, naganap ang pagdakip sa suspek bandang alas-2:45 ng hapon sa Barangay 11, Pasay City.

Sa isinagawang inisyal na imbestigasyon, sinabi ni De Sesto na nakatanggap ng tawag ang kanyang mga tauhan hinggil sa isang lalaking armado ng baril sa lugar.

Ayon pa kay De Sesto, bago pa man magtungo ang mga operatiba sa lugar ay napag-alaman din na ang tinutukoy na suspek ang siyang tumangay ng kulay puting Honda PCX (120QSK) ng biktimang si alyas Joevhanny, 30, ng Barangay 45, Pasay City, nang walang pahintulot dakong alas-11:00 ng gabi ng Martes, Pebrero 10.

Agad na nagtungo sa Pasay Police Substation 1 ang biktima upang maghain ng reklamo laban sa suspek, kung saan nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at na-track ang kinaroroonan nito sa Antipolo St., Barangay 11, Pasay City.

Pagdating ng mga operatiba sa lugar, mabilis na nagtago ang suspek sa kisame ng bahay na kanyang tinuluyan. Gayunman, matapos ang halos isang oras na negosasyon ay boluntaryo rin itong sumuko sa mga awtoridad.

Narekober sa posesyon ng suspek ang isang airsoft gun, isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 17.03 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱115,600, at ang tinangay na motorsiklo ng biktima na si alyas Joevhanny.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay City Police ang suspek na nahaharap sa patong-patong na kasong paglabag sa R.A. 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016), R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office.

— James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here