MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit dalawang milyong bata ang nabakunahan at ngayon ay protektado na laban sa tigdas at tigdas-hangin sa buong Mindanao at BARMM, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa datos ng DOH matapos ang ikaapat na linggo ng Ligtas Tigdas Vaccination Campaign, partikular na nabakunahan ang mga batang edad 6 hanggang 59 buwan o wala pang limang taon.
Hinikayat ng DOH ang mga magulang at tagapangalaga na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maprotektahan sila laban sa nakamamatay na tigdas at tigdas-hangin.
Samantala, hinikayat din ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na payagan ang kanilang mga empleyado na pansamantalang makaliban sa trabaho upang mapabakunahan ang kanilang mga anak sa ilalim ng DOH-Ligtas Tigdas program.
Kailangan lamang magsumite ng patunay ng pagpapabakuna at maaaring pahintulutang gamitin ang available na leave credits, alinsunod sa polisiya ng kumpanya.