MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang mga low-income at marginalized families ay may madali nang access sa mga subsidiya sa kuryente.
Kasabay nito ay inanunsyo rin ng Pangulo na ang application process sa Net-Metering Program, na nagbibigay-daan sa mga tirahan na mag-install ng solar panels at magbenta ng sobrang kuryente sa grid nang mas mabilis ay mas pinasimple pa.
“This administration will continue to work hard and hand in hand with the private sector in crafting processes and policies that make electricity accessible, affordable, and reliable,” ani Marcos kasabay ng “Collective Response to Presidential Commitments in the Energy Sector” na ginanap sa Meralco Theater sa Ortigas, Pasig City.
Anang Pangulo, ang Lifeline Rate Subsidy Program (LRSP) para sa low-income at marginalized households na nahihirapang magbayad ng kanilang bill sa kuryente nang buo ay hindi masyadong nagagamit nang matagal na panahon dahil sa mga kumplikadong requirements.
Hanggang noong Nobyembre 2025, nasa 344,000 consumers lamang ang nakarehistro sa ilalim ng LRSP, o 11% lamang ng nasa tatlong milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Ngayong buwan, ipatutupad natin, kasama ng distribution utilities o DU, ang automatic registration ng lahat ng benepisyaryo ng 4Ps sa ilalim ng LRSP,” sinabi ni Marcos.
Ayon pa sa Pangulo, ang bagong lifeline consumption threshold ay magbibigay-daan sa pag-apply ng discount na ‘more equitable’ kung saan ang mga benepisyaryo ng 4Ps na may monthly electricity consumption na 50 kilowatt-hours (kWh) o pababa ay makakakuha ng 100% na diskwento.
Ang mga low-income families naman na hindi sakop ng 4PS ngunit pasok sa poverty threshold at may minimal electricity consumption ay maaari ring magparehistro sa LRSP.
“Now, after sitting down with the Department of Energy and the ERC (Energy Regulatory Commission), we have found a way to make it easier for our people to participate in the Net-Metering Program,” sinabi ni Marcos.
Para mapabilis ang application process, ang DOE, Department of Interior and Local Government (DILG,) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ay pumirma ng Joint Memorandum Circular upang magamit ng local government units ang standardized application forms at tumugon sa mandatong turnaround time.
Inatasan din ng ERC ang distribution utilities na kumpletuhin ang interconnection process sa loob ng 20 working days mula sa pagtanggap ng letter of interest. RNT/JGC