MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Science and Technology (DOST) na maaaring makasama sa kalusugan ang labis na pagkain kahit pa ito ay itinuturing na “healthy.”
Ayon kay Shannen Faye Arevalo, science research specialist ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI), hindi nangangahulugang ligtas nang kainin nang sobra ang mga produktong may label na “healthy” o “low-fat.”
Binigyang-diin niya ang prinsipyong “mo-va-ba” o moderation, variety at balance bilang susi sa tamang pagkain.
“Kahit pa masabing healthy ang isang pagkain, ang sobrang pagkonsumo nito ay maaaring makasama sa puso at sa kabuuang kalusugan,” ani Arevalo.
Ipinaliwanag niya na mahalaga ang “portion control” upang matiyak na sapat lamang ang nutrisyong nakukuha ng katawan at hindi ito nasosobrahan.
Binanggit din niya na ang ilang produktong “low-fat” gaya ng canned fruits, gatas at condiments ay maaaring may dagdag na asukal o asin upang mapanatili ang lasa, habang ang iba naman ay kulang sa fiber, bitamina at mineral.
Kahit ang Himalayan salt na mas may mineral kumpara sa karaniwang asin ay mataas pa rin sa sodium kaya dapat gamitin nang may mahigpit na pag-iingat.
Aniya, ang mga pagkaing may “good fats” tulad ng mani, olive oil, avocado at salmon ay mataas pa rin sa calories. Ang labis na pagkain nito ay maaaring magdulot ng pagdagdag ng timbang na pangunahing risk factor sa sakit sa puso at stroke.
Dagdag pa niya, ang labis na pagkonsumo ng gata dahil sa taglay nitong saturated fat ay maaari ring makaapekto sa kalusugan ng puso.
Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), ang mataas na intake ng asin, asukal at hindi tamang uri ng taba ay kabilang sa mga pangunahing risk factor ng ischemic heart disease.
Iniulat din ng WHO na tinatayang 19.8 milyong katao ang namatay sa cardiovascular diseases noong 2022, katumbas ng 32 porsiyento ng kabuuang pagkamatay sa buong mundo, kung saan 85 porsiyento ay dahil sa atake sa puso at stroke.
Sa Pilipinas, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nanguna ang ischemic heart diseases bilang sanhi ng pagkamatay mula Enero hanggang Oktubre 2024 na may 85,868 kaso o 19.4 porsiyento ng kabuuang deaths sa bansa.
Pinayuhan ni Arevalo ang publiko na basahin ang nutrition facts sa mga produkto upang matiyak na hindi napalitan ng sobrang asukal o starch ang taba at sapat ang taglay nitong bitamina at mineral.
“Mas mahalaga ang pagpili ng tamang uri ng taba kaysa tuluyang alisin ito sa diyeta,” aniya. RNT/JGC