Bulacan – Boluntaryong isinuko ng dalawang indibiduwal ang dalawang loose firearms sa magkahiwalay na istasyon ng pulisya nitong Pebrero 14.
Sa ulat ni PLTCOL Restituto Granil, hepe ng Plaridel police station, isang 26 anyos na lalaki ang kusang loob na nagtungo sa kanila bandang 9:45 ng gabi para ipaalam ang nakitang baril.
Ayon sa ulat, isang improvised caliber .22 pistol ang natagpuan ng lalaki sa toolbox ng kanyang yumaong ama sa kanilang grahe sa Brgy. Parulan.
Agad niya itong isinuko sa nasabing istasyon ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, isang concerned citizen sa Brgy. Camachile, Doña Remedios Trinidad ang nagsuko rin sa mga awtoridad bandang 11:20 ng gabi ng caliber .22 long barrel firearm na walang serial number at marka na natagpuan sa kanyang storage room.
Dahil sa pangamba at kawalan ng kaalaman kung sino ang may-ari ay minabuti niyang ipaalam at isumite ang baril sa mga awtoridad.
Nasa kostudiya ng nasabing mga istasyon ang mga baril para sa wastong pagproseso at disposisyon alinsunod sa umiiral na batas.
Hinikayat ni PCOL Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng boluntaryong pagsuko ng mga ilegal na baril upang maisawan ang anumang insidente ng karahasan, mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. Dick Mirasol III