MANILA, Philippines – Dahil sa magkakasunod na insidente ng panghoholdap ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa naganap na panghoholdap sa tatlong convenience store sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Cavite.
Ayon sa report, naganap ang unang insidente sa Alfamart Store sa Brgy Poblacion 5, GMA, Cavite bandang alas-10:28 ng gabi kung saan dalawang suspek na naka-motorsiklo ang pumarada sa harapan ng nasabing tindahan. Ang angkas ay pumasok sa loob habang ang driver ang nagsilbing look-out.
Pagpasok ng angkas na armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril, hinanap nito ang store crew na si alyas Philip, 18, at saka nagdeklara ng holdap at inutusan na buksan ang store vault at nang buksan ay tinangay ang P32,000.00 cash saka mabilis na tumakas sa direksiyon ng Dasmariñas City, Cavite.
Inilarawan ang dalawang suspek na nakasuot ng puting helmet, itim na jacket ang suot ng driver na may puting helmet, naka-short pants, habang dark green na jacket ang angkas nito at armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril.
Bandang ala-11:20 ng gabi nang naganap naman ang insidente sa convenience store Sa Anabu Road, Block 1 Lot 36 malapit sa Amaris Homes, Barangay Burol Main, Dasmariñas City, Cavite nang pumasok ang dalawang suspek na inilarawan na nakasakay ng isang puti na Honda 125, kapwa nakasuot ng puting helmet, gray hood na jacket at blue na jacket.
Hindi natanggal ng kanilang helmet ang mga suspek at agad na nagdeklara ng holdap sa Store Leader na si alyas Rolan, 38 at alyas Roldan, 32, Auxillary Crew.
Wala pang ibinibigay na datos kung magkano ang halaga na natangay.
Inilarawan naman ang dalawang suspek na nakasakay sa isang kulay puti na Honda Click, puting helmet, gray hoodie na jacket at kulay blue na jacket ang pumasok sa convenience store sa 4433 ATP, Barangay Salitran II, Dasmariñas City, Cavite bandang alas-11:35 ng gabi.
Nasa loob ng tindahan sina alyas Maritonie, 20, Store Crew at alyas Eric, 24, Store Crew nang pumasok ang mga suspek na hindi nagtanggal ng kanilang helmet at nagpanggap na mga customer at agad na nagdeklara ng holdap.
Wala pa ring ibinigay na detalye ang pamunuan ng mga nasabing convenience store kung magkano ang natangay ng mga holdaper na tumakas matapos ang insidente. MARGIE BAUTISTA