MANILA, Philippines – Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, ipinagbabawal ng panukalang Anti-Political Dynasty Bill ang mga mag-asawa o magkasintahang tumatakbo sa parehong posisyon, kahit ano pa ang kanilang kasarian.
Sinabi ito ni Hontiveros sa public consultation sa Marilao, Bulacan. Kasama sa talakayan ang mga hindi kasal, pati na rin ang mga LGBTQIA+ couples na nagpakasal sa ibang bansa.
“Kahit hindi po sila kasal ng simbahan o sibil, basta meron silang iisang tahanan at pinakikilala ang sarili nila bilang isang couple,” ani Hontiveros.
Ipinahayag din ni Marilao Mayor Jem Sy na dapat isama sa pagbabawal ang mga kamag-anak hanggang sa second degree of consanguinity, tulad ng magulang, anak, kapatid, lolo’t lola, at mga pinsan.
Ayon kay Hontiveros, ang layunin ng batas ay bawalan lamang ang sabay na kandidatura ng magkamag-anak, hindi ang maglingkod sa magkakasunod na termino.
Tinukoy niya rin na may mga kaso sa Senado at Kongreso kung saan magkamag-anak ang parehong humahawak ng posisyon sa magkaibang taon.
Sinabi rin ng senador, “Kahit nga po sinabi niyo may apat na pares sa Senado, sa kasalukuyang Kongreso, dalawa ay authors po ng Anti-Political Dynasty bill.”
Dagdag niya, gusto rin ng dalawang senador na palawakin ang political space lampas sa kanilang mga dinastiya.
Sinuportahan naman ni Rep. Edgar Erice ang pagbabawal sa mga kamag-anak hanggang second degree upang maiwasan ang kalituhan at maging maipatupad ang batas: “Lolo, anak, apo, kapatid at mga asawa nila. Kung hindi po second degree, magkakagulo na. Unenforceable, unimplementable na po ang isang Anti-Political Dynasty.” RNT/MND