Home OPINION MAGKAGULO-GULO KAYA SA ‘IMPEACH SARA’?

MAGKAGULO-GULO KAYA SA ‘IMPEACH SARA’?

194
0

HANGGANG sa tinitipa ito, wala pang linaw ang mga kasong impeachment na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.

Wala pang linaw kung tatalakayin na ang mga ito ng House committee on justice at ng kabuuang Kamara o House plenary para sa huling pagpapasya kung isasampa ito sa Senado o hindi.

Ipagpalagay na lang na ideklara ang isa o pinag-isang impeachment complaint na may sustansya at isampa ito sa Senado para sa paglilitis, hindi kaya pagsimulan ito nang gulo?

Nagtatanong tayo dahil may mga senador na alanganin ang kalagayan ngayon at ang kapansin-pansin, ang mga posibleng kaalyado pa ni VP Sara ang nanganganib na maaresto at makulong.

Dalawa ang nanganganib sa lokal na sitwasyon, ang mga inaakusahan ng korapsyon sa flood control scam.

Dalawa naman ang idinamay sa kaso ni ex-President Digong Duterte na nakakulong sa The Hague, Netherlands.

Ang pangunahing konsiderasyon dito ay ang karapatan nila na makilahok sa paglilitis sa impeachment.

Papayagan ba sila ng mga kaukulang korte na makilahok at bumoto sa impeachment…kung nakakulong na sila?

Paano kung pagbawalan sila na lumahok sa paglilitis at bumoto?

Hindi kaya pagsimulan ito ng kaguluhan?

Dahil dito, ipagpalagay na lang na mako-convict si VP Sara dahil sa kakulangan ng mga senador na pabor sa kanya kaya matatanggal siya sa opisina at madiskwalipika sa public office, hindi kaya magkakagulo?

Alalahaning may bahagi ng Pinas na lubhang pulitikal sa kalagayan niya.

Paano kung ang pagkakaintindi ng marami ay pawang mga maniobra lang lahat na pulitikal upang magpatuloy ang matinding korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan?

Kahit naman hindi ma-convict si VP Sara, may mga pwersa pa ring gustong guluhin ang lahat para pabagsakin lamang siya at hindi maging pinuno ng Pinas sa halalan o iba pang mga pangyayari.

Ano nga ba meron si Inday Sara at ganoon na lang ang pagnanais ng iba na harangan siya ng espada’t sibat patungo sa Palasyo?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here