Home OPINION PETROLYO AT OFWs SA MGA DIGMAAN

PETROLYO AT OFWs SA MGA DIGMAAN

157
0

PAMAHAL na pamahal ang mga produktong petrolyo dahil sa digmaan sa Russia at Ukraine at napipintong digmaan din sa pagitan ng Iran laban sa United States at Israel.

Apektado rin ang mga overseas Filipino worker, lalo na ang mga seaman, na sakay ng mga barko na ngayo’y hinaharang sa mga karagatan.

MGA SEAMAN

Matagal na nating tinatalakay ang mga overseas Filipino worker na nadadamay at posibleng madamay sa mga nagaganap at namumuong digmaan.

Kasalukuyan ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine at sakop ng giyera ang mga barko ng Russia na may kargang langis dahil hinaharang ang mga ito.

Hinaharang ng Britain at France at iba pang bansang Europeo ang mga barkong Russia.

Hinaharang din ng US ang mga barkong may kargang langis mula sa Venezuela.

Dalawa na rin ang hinarang ng Iran na mga barkong US sa Strait of Hormuz habang tatlong barko ng Iran ang hinarang naman ng India sa labas nito.

Malamang na may mga Pinoy seaman sa mga barkong ito.

SALUDO KAY SEN. ERWIN TULFO

Kaugnay nito, pinasalamatan nating nagbigay ng atensyon dito si Senador Erwin Tulfo.

Tila siya ang unang gumawa nito habang abala ang nakararaming senador sa kanilang mga awayan sa kung ano-ano lang, lalo na ang usaping korapsyon at kikbakan.

Ayon kay Tulfo, kapag nakapasok sa barko ang isang seaman sa pamamagitan ng manning agency, ang huli ang mananagot sa kapalaran ng seaman at kung direct hire, dito na papasok ang mismong pamahalaan na hihiling ng pagpapabalik ng seaman sa bansa.

Nakatitiyak tayo na hindi lang ang mga seaman sa mga barkong Russia ang pinatutungkulan ni Tulfo kundi lahat ng mga barko na may crew na Pinoy.

Mabuting tinawagan ng magiting na senador ang Department of Migrant Workers para linawin ang lahat ng ginagawa ng departamento para protektahan at iligtas sa panganib ang mga Pinoy seaman.

Pinakamasamang pangyayari ang pag-atake sa mga barko at lumubog o masunog ang mga ito na ikasusugat o ikinamamatay ng mga seaman.

Ilan nga ba ang nasugatan at namatay na Pinoy seaman sa mga pag-atake ng mga Houthi sa mga barkong US at Israel nitong nakaraang taon?

PAMAHAL NANG PAMAHAL NA LANGIS

Nakaanim nang linggo ang pagmamahal ng langis sa Pinas simula nitong Enero 2026.

Sa kabuuan, meron nang itinaas na P10.20 presyo sa diesel kada litro, P7.95 sa gasolina, at P9.10 sa kerosene.

Dahil sa nalalapit nang giyera sa pagitan ng Iran at US-Israel, malamang na isasara ng Iran ang Strait of Hormuz at dito lalong magkandaloko-loko ang presyo ng langis.

Alalahaning nasa 27 porsyento ng suplay ng mundo ang dumaraan sa Strait of Hormuz at karamihan dito ang isinusuplay sa Asya, kabilang ang Pilipinas.

Magmamahal ang langis dahil magmamahal ang insurance, pag-ikot ng mga barko sa ibang mga ruta kaya mas maraming gastos at ispekulasyon sa presyo ng langis ng mga negosyante sa langis.

Dapat paghandaan ito ng pamahalaan, kasama ang posibleng krisis sa suplay na magpapamahal din sa presyo ng langis, para sa proteksyon ng mga mamamayang Filipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here