MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang ilang reporma sa mga test items sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) upang mapaigting ang quality assurance at pagsusuri.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 5 na layong amyendahan ang Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 (Republic Act No. 7836), isinusulong ni Gatchalian ang pagbibigay sa Teacher Education Council (TEC) ng mga licensure examination questions at answers.
Mandato ng TEC na iangat ang kalidad ng teacher education and training sa bansa.
“Makakatulong ito sa TEC upang magkaroon sila ng mas malalim na pagsusuri sa mga isyu at hamong kinakaharap ng mga Teacher Education Institutions,” ayon sa senador.
“Mahalaga para sa TEC na magkaroon ng sapat na impormasyon sa mga resulta ng licensure examinations upang magkaroon sila ng akmang mga rekomendasyon sa pagreporma sa ating curriculum,” dagdag ni Gatchalian.
Iminumungkahi rin ni Gatchalian ang paglabas ng mga licensure examination test questions at kaukulang sagot, kabilang ang performance ng mga Teacher Education Institutions (TEIs), sa loob ng 15 araw matapos ilabas ang resulta ng naturang exam.
Iminumungkahi naman ng Second Congressional Commission on Education ang pagkakaroon ng mga qualified test item writers at assessment experts na may angkop na pagsasanay sa curriculum standards at educational assessment.