Home NATIONWIDE 750K sako ng lumang bigas, io-auction ng NFA

750K sako ng lumang bigas, io-auction ng NFA

160
0

MANILA, Philippines – Isasailalim sa auction ng National Food Authority (NFA) ang 750,000 sako ng lumang bigas na nakaimbak sa warehouse nito sa Valenzuela City sa Pebrero 20 upang makalikha ng espasyo at makalikom ng pondo bago ang peak harvest season.

Ayon sa NFA, magsisimula sa ₱25.16 kada kilo ang minimum bid para sa bigas na tatlo hanggang anim na buwang nakaimbak, habang ₱22.52 kada kilo naman ang panimulang bid para sa bigas na 18 buwang nakaimbak, depende sa kalidad at edad nito.

“Meron talagang pagkakaiba sa rice-producing regions na medyo maganda ang mga variety na tinatanim, gaya ng Region 3. Mas maganda ang kalidad ng bigas diyan,” ani NFA administrator Larry Lacson.

Tiniyak ng ahensiya na ligtas pa ring kainin ang mga lumang stock ng bigas.

“Siyempre dahil gusto natin lumuwag ang bodega ng NFA at malapit na ang peak season ng harvest sa Marso, at makapag-generate ng revenue,” ani Lacson.

Inaasahan ng NFA na makalikom ng mahigit ₱900 milyon mula sa auction, na magbibigay-daan upang makabili ang ahensiya ng hanggang 1.5 milyong sako ng palay sa panahon ng anihan.

Bagamat para lamang sa retailers, dealers, at wholesalers ang auction, maaari pa ring makinabang ang mga mamimili kung ibebenta ng mga trader ang bigas sa mas mababang presyo. Sa kasalukuyan, naglalaro sa ₱40 hanggang ₱54 kada kilo ang presyo ng lokal na well-milled rice.

“Local rice, actually, medyo nagtaas tsaka mahirap kumuha ngayon. Ayun ang problema ngayon,” ayon kay JM, isang rice retailer sa Marikina City. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here