MANILA, Philippines – Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang British national na nakatalang sex offender sa kanyang bansa sa isinagawang operasyon sa Sta. Fe, Romblon.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Andrew Charles Beaumont, 47, na inaresto ng Fugitive Search Unit ng ahensiya noong Pebrero 16 sa Sitio Cabalian sa bisa ng mission order na inilabas ngayong buwan.
Batay sa records, nakarehistro si Beaumont bilang sex offender sa United Kingdom at sakop ng life-long Sexual Offence Notification Order na inilabas noong 2012.
Nahulan din siya sa Australia noong 2009 sa ilang kaso ng sexual abuse ng menor de edad. Ayon sa court records, ang suspek na dating guro ay nasentensiyahan ng apat na taon at anim na buwang pagkakakulong, na may tatlong taong non-parole period, matapos makipagtalik nang paulit-ulit sa isang 15-anyos na biktima sa loob ng anim na linggo.
Sa oras ng kanyang pagkakaaresto, umano’y nagbibigay si Beaumont ng diving lessons at nagpapakita ng scuba equipment kapalit ng bayad, at kilala sa lugar bilang namamahala ng isang diving business.
Ipinakita rin sa immigration records na huling dumating sa Pilipinas si Beaumont noong Setyembre 19, 2022 bilang temporary visitor, ngunit nag-expire ang kanyang authorized stay noong Nobyembre 2023, dahilan upang maituring siyang overstaying alien.
Kasalukuyang nakadetine si Beaumont sa BI Warden’s Facility habang hinihintay ang kanyang deportation. Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police at iba pang intelligence units. Mary Anne Sapico