Home NATIONWIDE Digong ‘di kinidnap ng gobyerno – Malakanyang

Digong ‘di kinidnap ng gobyerno – Malakanyang

186
0

MANILA, Philippines – ITINATWA ng Malacañang ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na siya ay kinidnap ng gobyerno ng Pilipinas.

Ito kasi ang ginamit na dahilan ni Duterte kaya’t tumanggi siyang dumalo sa International Criminal Court (ICC) hearings sa susunod na linggo.

“Alam naman natin kung anong ibig sabihin ng kidnapping,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam.

“Since nag-start na ang hearing doon, pinauubaya ng ating gobyerno, through RA 9851, ang pagdinig nang tuluyan ng kaso doon,” aniya.

Tinukoy ni Castro ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, at iba pang Crimes Against Humanity.

Sinabi pa niya na sa ilalim ng Section 17, “Philippine authorities defer to an international tribunal if a case is already being heard or investigated there.”

Tinukoy rin niya na ang mga reklamo na inihain laban kay Duterte ay isinampa ng mga mamamayang Pilipino na naramdaman na hindi nila makukuha ang hustisya noong panahong iyon.

Sa ulat, muling naghain ng waiver si Duterte upang hindi na personal na dumalo sa confirmation of charges hearing ng ICC na itinakda mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026.

Sa liham na may petsang Pebrero 17 at ipinadala mula sa ICC Detention Centre, iginiit ni Duterte na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC.

Iginiit din ng dating Pangulo na ang kasalukuyang administrasyon umano ang nasa likod ng kaniyang sapilitang pagdadala sa Netherlands, na tinawag niyang isang uri ng “kidnapping.”

Mariin din niyang pinabulaanan ang mga paratang kaugnay sa umano’y extra-judicial killings, na aniya ay isang “outrageous lie.”

Binanggit din ni Duterte ang kaniyang edad at kalagayang pangkalusugan bilang dahilan ng hindi pagharap sa pagdinig.

Gayunman, sinabi niyang handa siyang harapin ang anumang kahihinatnan ng kaso at ipinauubaya na lamang sa kaniyang mga abogado ang pagtutol at paghamon sa ebidensyang ihaharap ng prosekusyon, habang nananatiling nakatuon ang kaniyang puso sa Pilipinas. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here