MANILA, Philippines – Naghain si Senator Loren Legarda ng sarili niyang bersyon ng panukalang batas laban sa political dynasty sa Senado, na siyang ikapitong anti-political dynasty bill na inihain sa kapulungan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1854, layunin ng panukala na pagbawalan ang mga kamag-anak hanggang ikalawang civil degree of consanguinity o affinity na tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Kabilang dito ang relasyon ng magulang at anak, lolo o lola at apo, magkakapatid, pati ang kanilang mga asawa, alinsunod sa civil law. Ituturing ding kabilang sa parehong civil degree ang mga relasyon na nabuo sa pamamagitan ng legal adoption.
Tinukoy rin sa panukala na umiiral ang political dynasty kung may succession o sabayang kandidatura na may incumbent, sabayang kandidatura o panunungkulan sa iba’t ibang antas o nationwide positions, at sabayang kandidatura ng magkakamag-anak kahit walang incumbent.
Kasalukuyang may hawak na elective posts ang ilang kamag-anak ni Legarda, kabilang ang kanyang anak na si Leandro Leviste, na kinatawan ng Batangas 1st district, at ang kanyang kapatid na si Antonio Legarda Jr., na kinatawan ng lone district ng Antique.
Sa explanatory note ng panukala, binigyang-diin ni Legarda ang negatibong epekto ng political dynasty sa demokratikong pananagutan at pamamahala.
“When political power is inherited rather than competitively earned, public office becomes insulated from performance-based evaluation, fostering inefficiency and abuse and undermining incentives for responsive and transparent governance,” ayon kay Legarda.
“Political dynasties are a deeply entrenched feature of the Philippine political landscape, shaped by multifaceted conditions that cannot be dismantled overnight. Awareness of this reality underscored the need for a gradual, principled, and credible transition toward a more open and competitive political system,” dagdag pa niya.
Ang panukala ay kabilang sa ilang anti-political dynasty bills na inihain sa Kongreso upang ipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution na nagbabawal sa political dynasties. Nagsasagawa rin ng nationwide consultations ang Senate committee on electoral reforms and people’s participation kaugnay ng proposed Anti-Political Dynasty Act, na isa sa mga prayoridad na panukala ng administrasyong Marcos. RNT