Home METRO Kababaihan, nagprotesta kontra ‘karahasan’ at ‘panghihimasok’ ng US

Kababaihan, nagprotesta kontra ‘karahasan’ at ‘panghihimasok’ ng US

2
0

MANILA, Philippines – Nagmartsa ang iba’t ibang grupo ng kababaihan sa Plaza Ferguson, malapit sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, nitong Martes, Nobyembre 24, bilang bahagi ng paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Isinagawa ang protesta kasunod ng pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas, kung saan kinondena ng mga grupo ang umano’y panghihimasok ng Estados Unidos sa ekonomiya at mga usaping panseguridad ng bansa.

Kabilang sa mga tinutulan ng mga nagprotesta ang presensiya ng mga tropang Amerikano at mga kasunduang pangmilitar at pangdepensa, gaya ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ayon kay World March of Women-Pilipinas National Coordinator Jean Enriquez, maaaring magdulot ng panganib sa kababaihan ang mga naturang patakaran, partikular sa kanilang kabuhayan, karapatan at kaligtasan.

Kinondena rin ng mga grupo ang umano’y patuloy na pagsasamantala sa kababaihan, kabilang ang sexual exploitation at karahasan sa mga komunidad na malapit sa mga pasilidad militar.

Bukod sa karahasang pisikal, binigyang-pansin din ng mga organisasyon ang lumalalang online violence, kabilang ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa paglikha ng pekeng seksuwal na larawan o deepfake, online harassment at pagpapakalat ng pribadong larawan nang walang pahintulot.

Nanawagan ang mga grupo sa pamahalaan at mga kumpanya ng teknolohiya na papanagutin ang mga nasa likod ng ganitong uri ng pang-aabuso at tiyaking may sapat na proteksiyon ang mga biktima.

Iginiit din ng mga nagprotesta ang pagtutol sa mga proyektong itinuturing nilang mapaminsala, kabilang ang Pax Silica.

Binigyang-diin ng mga organisasyon na hindi maituturing na tunay na kaunlaran ang mga programa at kasunduan kung nakataya naman dito ang karapatan, kabuhayan at kaligtasan ng kababaihan. Jocelyn Tabangcura Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here