MANILA, Philippines – Inalis sa kanilang puwesto ang dalawang patrolman ng Manila Police District (MPD) matapos kumalat ang viral video na nagpapakita ng kanilang patrol vehicle na umano’y humarang sa isang driver sa traffic light sa Taft Avenue malapit sa Philippine General Hospital sa Ermita, Maynila.
Ayon kay MPD Ermita Station Commander Lt. Col. Alfonso Saligumba III, iginiit ng mga pulis na nagkaroon ng mechanical trouble ang kanilang patrol vehicle sa oras ng insidente noong Miyerkules ng hapon habang pabalik sila sa kanilang istasyon mula sa routine patrol.
“The personnel involved have already been evaluated and temporarily relieved from their posts pending the outcome of the investigation,” ayon kay Saligumba.
Ang video ay ibinahagi ng vlogger na si James Deakin, na ayon sa kanya ay ipinadala ng asawa ng apektadong driver. Kasalukuyang sumasailalim sa pagkukumpuni ang patrol vehicle, bagaman hindi tinukoy ang eksaktong sira nito.
Sinabi ni Saligumba na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon, at haharap din ang dalawang pulis sa hiwalay na imbestigasyon ng National Police Commission (Napolcom). Kung mapatunayang may pananagutang administratibo, maaari silang maharap sa kasong serious neglect of duty.
“We remain committed to ensuring due process and that conclusions are based on verifiable facts,” dagdag ni Saligumba.
Kinumpirma rin ni Napolcom Executive Officer Rafael Calinisan na nag-utos siya ng motu proprio investigation, at sinabing “It’s a road incident that should not be worth engaging with.”
Kinumpiska na rin ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng pulis na nagmamaneho ng patrol vehicle at naglabas ng show cause order laban sa mga sangkot na opisyal. RNT