MANILA, Philippines – PINURI bilang “champion” ng industriya ng kawayan si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso matapos ihayag ang malawakang 100,000 bamboo tree planting program ng lungsod.
Sa ginanap na courtesy call sa City Hall, inihayag ng mga opisyal ng Million Trees Foundation na si Yorme Isko ang nakikitang mukha ng adbokasiya ng kawayan sa mga highly urbanized area tulad ng Maynila.
Ayon kay Melandrew Velasco, president at executive director ng Million Trees Foundation, naghahanap umano ng “champion” ang bamboo industry — at si Yorme Isko na umano ito ngayon.
Kasama sa nakipagpulong kay Yorme sina Alain Del Pascua, Marie Antonette De Ocampo, Joel Valentine Madamba ng MTFI; Rene “Butch” Madarang ng Philippine Bamboo Industry Development Council; Jenny Lumba ng Green Media; at Mel Andrea Teresa Velasco.
Matatandaan na noong Enero 19, iniutos ni Domagoso ang pagtatanim ng paunang 100,000 kawayan sa Roxas Boulevard, R-10, at iba pang pangunahing kalsada sa Maynila.
Ayon sa alkalde, layunin nitong patibayin ang mga pampang ng ilog at makatulong sa pagpigil ng rumaragasang baha tuwing tag-ulan.
“Lalagyan natin ng bamboo ang mga gilid ng ilog para makatulong sa pagkontrol ng baha na paulit-ulit nating dinaranas,” ani Yorme Isko.
Dagdag pa niya, bukod sa flood control, makatutulong din ang kawayan sa pagpapababa ng lebel ng tubig at pagpapaganda ng kalidad ng hangin sa lungsod.
Iginiit ng mga kinatawan ng bamboo council na handa silang magbigay ng mga eksperto at siyentipiko upang suportahan ang malawakang programa.
“The people of Manila deserve better things from their government, so that’s now our policy: 100,000 bamboo trees,” ani Domagoso. JAY Reyes