Home NATIONWIDE Elections 2028, ‘concern’ ng China sa WPS – Tarriela

Elections 2028, ‘concern’ ng China sa WPS – Tarriela

172
0

MANILA, Philippines – Magiging ‘concern’ para sa China ang 2028 presidential elections at maaring tumaya sa isang kandidato na hindi ipaglalaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS), sinabi ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.

Ayon kay Tarriela tuwing pinag-uusapan ang darating na presidential election naniniwala siyang ito ay isang alalahanin para sa People’s Republic of China, kung sino ang magiging susunod na presidente.

“Malinaw na ang sinumang kanilang sinusuportahan ay isang tao na hindi ipaglalaban ang ating mga karapatan, dahil magiging dehado sila kung ipagpapatuloy ng susunod na pangulo ang ginagawa ni Pangulong Marcos, na inilalantad ang agresyon ng China,” dagdag niya.

Nang tanungin kung magiging paborable sa China ang pagkapangulo ni Vice President Sara Duterte na maagang nag-anunsyo ng kanyang pagtakbo bilang pangulo sa 2028, sinabi ni Tarriela sa isang panayam na ayaw niyang magbanggit ng pangalan.

Ang mga aksyon ng Beijing ay nakabatay sa kanilang pag-angkin ng soberanya sa halos buong South China Sea, ngunit ang 2016 arbitral award ay nagbigay ng pabor sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Dagdag pa ni Tarriela, noong administrasyon ng ama ng bise presidente, dating Pangulong Rodrigo Duterte (2016–2022), “tatlong insidente lamang ang naibalita.”

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos, aniya, halos lingguhan ang pag-update sa mga Pilipino tungkol sa West Philippine Sea.

Sinabi rin ng opisyal ng PCG na kailangang ipagpatuloy ang transparency initiative hanggang 2028, dahil “makakalimutin” umano ang mga Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here