MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng Philippine Drug Enforcement Agency ang posibleng bagong grupo na pinaniniwalaang pinatatakbo ng Indian nationals at nasa likod ng distribusyon ng cocaine at iba pang illegal na droga sa bansa.
Ang imbestigasyon ay kasunod ng buy-bust operation na isinagawa Sabado ng umaga, Pebrero 21 na nagdulot ng pagkakaaresto ng dalawang Indian national sa loob ng isang bahay sa Villa de Calamba, Barangay La Mesa, Calamba City, Laguna.
“Yan ang ating tinitingnan ngayon, may emerging group ba nang Indian national?” pahayag ni PDEA spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 44 kilo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P233.2 milyon mula sa mga suspek.
Ani Calulut, ang bahay ay tila hindi tinitirahan at ginagamit bilang storage facility ng illegal na droga.
“Parang ang nangyari doon na lang iniimbak yung mga droga kung may bibili kukuha na lang sila doon.”
Nagsasagawa na ng background investigation ang PDEA at inaalam ang iba pang posibleng kasabwat ng mga suspek.
Ang dalawang naarestong indibidwal ay rehistrado bilang lehitimong negosyante sa bansa.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165). RNT/JGC