MANILA, Philippines — Pormal nang inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur ang 100-day countdown para sa 2026 Palarong Pambansa, kasabay ng pagpapakilala ng opisyal na logo ng taunang pambansang palaro ng mga mag-aaral.
Tinaguriang “Palaro Tu Agsur,” tampok sa bagong logo ang Agusan River bilang simbolo ng galaw, tibay at katatagan ng mga atletang lalahok.
Makikita rin ang suyam patterns bilang pagkilala sa mga katutubong komunidad at ang ginintuang “tara,” isang pre-colonial na artifact, bilang sagisag ng kasaysayan at pagkakakilanlan ng lalawigan.
Ayon kay Gov. Santiago B. Cane Jr., nasa 80 porsiyento na ang natatapos sa mga imprastraktura para sa hosting, at target makumpleto ang mga playing venue at billeting quarters bago matapos ang Marso.
“We are on schedule in terms of completing all playing venues and billeting quarters,” ani Cane.
Gaganapin ang isang linggong palaro mula Mayo 24 hanggang 31, 2026, nakabinbin pa ang pinal na kumpirmasyon ng Palaro board.
Ang provincial sports complex ang magsisilbing pangunahing venue, habang inihahanda rin ang iba pang pasilidad sa tulong ng Provincial Engineering Office at Department of Education upang matiyak na pasok sa national standards.
Tapos na rin ang procurement ng sports equipment at inaasahang darating ang mga ito bago ang inspeksyon ng Palaro officials.
Naglatag na rin ng mga komite para sa transportasyon at mobilidad, kabilang ang orientation sa mga public drivers upang matiyak ang maayos na galaw ng mga atleta at delegado.
Nanawagan si Cane sa mga Agsurnon na ipakita ang mainit na pagtanggap sa libu-libong bisita na darating para sa palaro.
Samantala, nagsimula na rin ang capacity-building programs ng Provincial Tourism Office at Department of Tourism-Caraga bilang paghahanda sa pagdagsa ng turista.
Sa social media, nagpahayag ng suporta ang dating atleta na si Angelica Wasawas at tinawag itong isang “milestone” para sa lalawigan.
Sa pagsisimula ng countdown, puspusan na ang paghahanda ng Agusan del Sur upang matiyak ang maayos na pagdaraos ng Palarong Pambansa sa 2026. RNT/JGC