MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na may ni-recruit siya noong nakaraang taon na maging running mate niya sa 2028 elections.
Tumanggi naman siyang ibigay ang pangalan nito para protektahan umano ang naturang indibidwal.
“May ni-recruit ako, hanggang diyan lang sasabihin ko,” sinabi ni Duterte sa panayam ng SMNI nitong Sabado, Pebrero 21.
“Ni-recruit ko siya last year pa, kaso wag na muna natin ‘yan pag-usapan. Protektahan natin ‘yung tao hanggang sa makapagdesisyon siya kung anong gagawin niya sa karera niya,” dagdag niya.
Matatandaan na inanunsyo ni Duterte noong Miyerkules ang kanyang pagtakbo bilang pangulo sa 2028 elections.
Nagsalita rin si Duterte kaugnay sa pagiging isang unifying leader o mapaghiganting lider kung mananalo bilang presidente.
“Pero ito lang ang sasabihin ko: Hindi pwede na walang managot. Yung nire-recruit ko na vice president siya ang magpapanagot sa mga gumawa ng mali sa bayan para ako, nakatutok ako sa trabaho ng presidente,” ani Duterte.
Sinabi rin nito na hindi pa niya sinasabi sa ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tatakbo siya bilang pangulo.
“In fact, kahapon lang siya sinabihan ng mga abogado niya na ‘yung anak mo nag-declare na tatakbong pangulo at nagbigay siya ng note, napakaikli na note at ipinadala sa akin nung abogado.”
Hindi naman ibinahagi ng Bise Presidente ang nakasulat sa note. RNT/JGC