Pinangunahan ni Senador Bam Aquino ang pagdinig ng Komite sa Batayang Edukasyon upang talakayin ang Senate Resolution No. 252 o ang mga Pampubliko-Pribadong Pakikipagtulungan bilang pangunahing estratehiya upang matugunan ang pagsisikip ng mga silid-aralan."Mahigpit na kinakailangan ang isang buong bansa, buong gobyerno na lapit upang matugunan ang krisis sa edukasyon. Ang pondong ito ay dapat gamitin upang magtayo ng mga silid-aralan sa tamang presyo, sa tamang paraan, at sa tamang oras,” sabi ni Aquino nitong Lunes, Pebrero 9, 2026.
MANILA, Philippines — Mariing pinasinungalingan ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang mga espekulasyon hinggil sa umano’y 2028 tandem nila ni Vice President Sara Duterte.
Iginiit nito na mas dapat pagtuunan ng pansin ang krisis sa edukasyon at ekonomiya kaysa maagang pamumulitika.
Lumutang ang usap-usapan matapos ihayag ni Duterte ang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028 at nang sabihin ni Aquino sa isang panayam na “ideally” ay dapat sa Pilipinas isagawa ang anumang paglilitis kaugnay ng alegasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang press advisory, nilinaw ni Aquino na walang nabubuong tandem at iginagalang niya ang proseso ng International Criminal Court (ICC).
“Nakakahiya namang mamulitika habang ang dami-daming problema ng ating mga kababayan,” bahagi ng pahayag ng senador.
Dagdag pa niya, mas dapat pagtuunan ang mga suliranin sa edukasyon, ekonomiya, presyo ng bilihin at laban sa korapsyon.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, tinututukan ni Aquino ang tinatayang 166,000 classroom backlog sa buong bansa.
Sa Northern Mindanao pa lamang, kailangan ng humigit-kumulang 10,800 karagdagang silid-aralan, ayon sa DepEd-10.
Pinakamalaki ang kakulangan sa Bukidnon na nangangailangan ng 3,343 classrooms o 33.11 porsiyento ng regional total.
Upang matugunan ito, inaprubahan ng Senado sa botong 22-0 ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act (Senate Bill No. 1482) at 17-0 naman ang CADENA Act (Senate Bill No. 1506).
Kabilang ang mga ito sa priority agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sa ilalim ng CAP Act, papayagan ang mga local government unit at kwalipikadong non-government organizations na manguna sa pagtatayo ng mga silid-aralan alinsunod sa pamantayan ng DepEd.
Kabilang din sa mga isinusulong ni Aquino ang Party-list System Reform Act, pag-alis ng travel tax, at mga amyenda sa school feeding program at GASTPE Act.
“Darating ang 2028, at may tamang panahon para pag-usapan ito. Pero ngayon, ang tamang pag-usapan ay kung ano ang mahalaga para sa taumbayan,” ani Aquino. RNT/JGC