Home METRO 4 most wanted sa Eastern Visayas, arestado

4 most wanted sa Eastern Visayas, arestado

3
0

TACLOBAN CITY, Philippines – Arestado ang apat sa most wanted persons sa Eastern Visayas, kabilang ang tatlong nahaharap sa kasong rape at sexual assault, sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya nitong Linggo, ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8).

Sinabi ni PRO-8 Director Brig. Gen. Romano Cardiño na bahagi ang mga pag-aresto sa pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa mga wanted person ngayong Undas.

Kabilang sa mga naaresto si alyas “Macky,” 33, residente ng Capoocan, Leyte, na ikalawa sa regional most wanted list.

Dinakip siya ng Regional Intelligence Division-Regional Special Operations Unit 8 kasama ang Palo Municipal Police Station sa bisa ng mga warrant na inilabas noong Agosto 14 at 19, 2026.

Nahaharap siya sa dalawang bilang ng qualified rape of a minor, isang bilang ng qualified rape at limang bilang ng qualified sexual assault. Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong rape, habang P200,000 ang piyansa sa bawat kaso ng sexual assault.

Naaresto rin si alyas “Chito,” 26, residente ng Maasin City, Southern Leyte, na ikaapat sa most wanted list ng rehiyon. Dinakip siya sa Sta. Rosa City, Laguna sa operasyon ng 1st Southern Leyte Provincial Mobile Force Company kasama ang mga pulis ng Laguna at Southern Leyte.

Nahaharap siya sa kasong statutory rape na walang inirekomendang piyansa at statutory sexual assault na may P40,000 piyansa.

Sa Northern Samar, dinakip naman si alyas “Junjun,” 26, residente ng Bobon at ikawalo sa regional most wanted list. Inaresto siya ng 1st Northern Samar Provincial Mobile Force Company kasama ang Bobon Municipal Police Station at provincial police intelligence unit sa bisa ng warrant na inilabas noong Oktubre 21, 2026. Nahaharap siya sa dalawang bilang ng statutory rape na walang inirekomendang piyansa.

Samantala, inaresto rin ng Can-avid Municipal Police Station sa Eastern Samar ang isang pugante na ikaanim sa most wanted list ng rehiyon. Nahaharap siya sa kasong qualified rape na walang inirekomendang piyansa.

Dinala ang apat na suspek sa kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang proseso bago sila iharap sa mga korte na naglabas ng kanilang mga warrant.

Ayon kay Cardiño, ipinapakita ng mga pag-aresto ang patuloy na pagsisikap ng pulisya na matunton ang mga wanted person saanman sila magtago.

“We will continue to intensify our manhunt operations and strengthen our intelligence-driven efforts to ensure that wanted persons are brought before the courts to answer for the charges against them. No one is beyond the reach of the law,” aniya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here