MANILA, Philippines – Natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktimang natagpuang putol-putol ang katawan at nakasilid sa loob ng blue plastic barrel sa Binondo, Manila.
“All we know about him is based on his ID from a store. That’s all we know other than his nationality and his name,” pagkumpirma ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo sa media nitong Lunes, Pebrero 23.
Ang biktima aniya ay isang Chinese national bagamat tumangging ibigay ang pangalan nito sa publiko.
“Aside from that—his age and other circumstances—we still don’t have further information,” dagdag pa.
Bukod sa dalawang Chinese national na naaresto na dahil sa krimen, apat pang indibidwal na pawang mga Chinese din ang iniuugnay sa pagpatay sa biktima.
Ang apat na karagdagang suspek na kasalukuyang tinutugis pa ay rehistradong tenant ng condominium unit kung saan iniulat na pinatay at chinop-chop ang biktima.
Sangkot ang apat sa money-changing business at iniimbestigahan na ang anggulong may kinalaman sa utang na sanhi ng pagpatay sa biktima.
Nakakuha na ang mga imbestigador ng kopya ng pasaporte ng apat na suspek na legal umanong pumasok sa Pilipinas.
Matatandaan na natagpuan ang putol-putol na bahagi ng katawan ng isang lalaki na nakasilid sa loob ng drum sa Binondo, Maynila noong Pebrero 15. RNT/JGC