Home NATIONWIDE ‘Three-term school year’ proposal ng DepEd, ginisa sa Kamara

‘Three-term school year’ proposal ng DepEd, ginisa sa Kamara

208
0

MANILA, Philippines — Inulan ng tanong at puna sa Kamara ang panukala ng Department of Education (DepEd) na palitan ang kasalukuyang four-quarter academic calendar ng isang “three-term school year.”

Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, iginiit ni DepEd Undersecretary Carmela Oracion na nasa consultation stage pa lamang ang panukala at hindi pa pinal para ipatupad sa School Year 2026–2027.

“The reform is designated to create an environment that prioritizes teaching and learning… This is on the proposal stage, Mr. Chair,” ani Oracion.

Nilinaw ng DepEd na hindi mababago ang school calendar na mananatiling Hunyo hanggang Marso, gayundin ang 201 school days.

Gayunman, iginiit ng ahensya na nagdudulot ng madalas na transition at pagkaantala sa pagtuturo ang kasalukuyang four-quarter system.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng dalawang linggong break matapos ang bawat term para sa remediation, enrichment, teacher training at mga pangunahing aktibidad gaya ng Palarong Pambansa at National Schools Press Conference.

Ngunit kinuwestiyon ni Committee chair Rep. Roman Romulo kung bakit hindi ito maisagawa sa kasalukuyang sistema.

“Why can’t you do that now with four quarters? That’s the basic question,” ani Romulo.

Binabalaan din niya na kung sa break ilalagay ang remediation, mananatili pa ring nahuhuli ang mga estudyanteng hindi pa handa sa kanilang grade level.

Samantala, sinabi ni Ruby Bernardo ng Alliance of Concerned Teachers na batay sa survey nila sa 10,000 guro, 61 porsiyento ang hindi kumbinsido sa panukala at 80 porsiyento ang naniniwalang hindi nito mababawasan ang kanilang workload.

Kabilang sa mga binanggit na alalahanin ang restructuring ng lessons, school forms na nakaayon sa apat na grading period, kakulangan sa learning materials at dagdag na adjustment.

May ilang pribadong paaralan naman na nagpahayag ng suporta, at sinabing naging magaan ang semestral setup noong pandemya dahil mas kaunting asignatura ang tinutukan kada term.

Tiniyak ni Oracion na magsusumite ang DepEd ng mas detalyadong timetable at intervention plan sa Kongreso sa susunod na linggo. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here