MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang posibleng pagbabawal sa Telegram app dahil sa umano’y paggamit nito sa pagpapakalat ng pornography, scams, at iba pang ilegal na online activities.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, pinag-aaralan ng gobyerno ang mas mahigpit na hakbang laban sa mga platform na may kaugnayan sa online sexual exploitation, financial scams, at mapanganib na content. Aniya, nagiging kaakit-akit ang Telegram sa mga kriminal dahil sa anonymity features nito.
“Ayon ang napag-agreehan namin na non-negotiable. Ito bantayan niyo ngayon sa social media sabihin n’yo sa akin kung nakikita n’yo na one, online sexual exploitation and abuse of children. Sabi ko kapag may nakita pa ‘kong isa, magalit na sa akin ang magalit pero iboblock ko sila,” ani Aguda.
Nakikipag-ugnayan ang DICT sa iba pang social media platforms tulad ng Meta, gayundin sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation upang labanan ang online crimes tulad ng scams at exploitation.
Gayunman, nagbabala si Eli Rabadon, co-founder ng DVCode, laban sa pagbabawal ng mga platform dahil maaari itong makaapekto sa digital ecosystem at sa mga lehitimong gumagamit.
“History tells us something simple: that bad actors don’t disappear, they migrade. Encryption is not the enemy. It protects journalists. It protects whistleblowers. It protects ordinary citizens from identity theft. Once you normalize platform bans as first response, you create uncertainty in the digital ecosystem,” ani Rabadon.
Ang Telegram ay isang messaging app na nagpapahintulot sa mga user na itago ang kanilang phone number at gumamit ng maraming account, na nagiging dahilan ng mga pangamba sa posibleng pang-aabuso nito. Dave Baluyot