ISABELA, Philippines – Sumisigaw ng hustisya para sa katarungan habang inihatid sa kaniyang huling hantungan si Lullette Jane Ramilo De Guzman, na dating Miss Philippine Earth 2013 runner up na binaril noong gabi ng February 13, 2026 sa harapan ng kanilang bahay sa Barangay Cabaritan San Manuel Isabela.
Hiling ng mga kaanak na sana’y huwag mailibing din sa limot ang hustisya ang kanilang inaasa habang binabasbasan ang labi sa isinagawang misa sa Our Lady of Lourdes Parish sa naturang bayan.
Matatandaan na binaril ang biktima sa harapan ng kanilang tahanan habang sakay ng isang SUV galing sa pagsundo ng kaniyang mga anak sa bayan ng Cabatuan Isabela.
Kasama niya noon ang kaniyang ama na si Rufino Ramillo Jr.
Unang binaril ng salarin ang ama ng biktima habang binubuksan nito ang kanilang gate subalit hindi ito tinamaan kaya agad itong pumasok sa loob ng kanilang tahanan upang kumuha ng armas.
Dito nagkaroon ng pagkakataon ang suspek upang barilin ang biktima na naka upo sa likurang bahagi ng kanilang sasakyan.
Naisugod pa ito sa pagamutan sa Roxas Isabela subalit idineklara na itong dead on arrival ng sumuring doktor.
Patuloy ang panawagan ng pamilya at ng lokal na pamahalaan para sa agarang hustisya. Sa ngayon, hinihintay pa ang resulta ng mas malalim na imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group upang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Samantala, unang nag-alok ng pabuya na P150K mula kina Isabela 5th Dist. Cong. Mike Dy, Mayor Dondon Dy at Board Member King Dy para sa agarang pagkahuli ng mga hindi pa nakilalang suspek. (REY VELASCO)