MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino laban sa paglalagay ng unauthorized stamps o markings sa kanilang passport dahil ito ay may kaakibat na parusa sa ilalim ng batas.
Sa inilabas na advisory noong Miyerkules, Pebrero 25, sinabi ng DFA na ang unauthorized changes sa Philippine ePassport ay maaaring magresulta sa pagiging invalid ng travel document at maituturing na tampering ng official document.
“Such unauthorized changes to the ePassport not only renders the travel document invalid,” ayon sa DFA. “But is also considered as tampering of an official document, which is punishable under the law.”
Lumabas ang babala matapos mag-viral ang social media post ng isang Filipina travel blogger na nagsabing na-invalid ang kanyang passport matapos maglagay ng souvenir stamps mula sa mga bansang kanyang binisita, kabilang ang Chile, Peru, at Ecuador.







