Home LIFESTYLE HEALTH Pagsirit ng dengue cases, dahil sa kakulangan sa bakuna, mahinang pamamahala

Pagsirit ng dengue cases, dahil sa kakulangan sa bakuna, mahinang pamamahala

338
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng mga eksperto mula sa Philippine Medical Association (PMA) na ang kawalan ng bakuna, hindi updated na clinical management, at kakulangan sa partisipasyon ng komunidad ang nagpapalala sa kaso ng dengue sa bansa.

Ayon kay Dr. Lulu Bravo, hindi pa “adequately addressed” ang dengue at marami pa ring doktor ang hindi updated sa tamang pamamahala nito. Sinabi naman ni Dr. Florentina Uy na multifactorial ang problema—kabilang ang papel ng gobyerno, medical sector, at komunidad. Aniya, madalas lang maglinis ng paligid ang mga tao kapag may nagkakasakit na sa pamilya.

Binigyang-diin ni dating Health Undersecretary Dr. Enrique Tayag na hindi sapat ang environmental at vector control lamang. Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), bumaba ng 24% ang dengue cases noong 2025 kumpara 2024, at 15% naman ang ibinaba ng mortality rate. Ngunit aniya, hindi pa rin katanggap-tanggap ang dami ng namamatay.

Samantala, sinabi ni DOH Undersecretary Dr. Gloria Balboa na may naitalang 14,907 dengue cases hanggang Pebrero 14, 2026—70% mas mababa kumpara sa parehong panahon noong 2025.

Iginiit ng mga doktor na mahalaga ang pagbabakuna bilang bagong intervention. Hinikayat ni PMA president Dr. Hector Santos ang gobyerno na aprubahan ang bagong bakunang Qdenga, na ginawa ng kumpanyang Hapon na Takeda Pharmaceutical Company. Aniya, iba ito sa kontrobersyal na Dengvaxia na ginamit noong 2016 sa humigit-kumulang 700,000 bata.

Nauna nang sinabi ng Takeda na nag-apply na sila para sa product registration sa Food and Drug Administration (FDA), ngunit wala pang desisyon ang ahensya.

Matatandaang naging kontrobersyal ang Dengvaxia matapos iugnay sa pagkamatay ng ilang bata. Gayunman, sinabi ni dating Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi napatunayang may “causal link” ang bakuna sa mga nasawi. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here