MANILA, Philippines – Gumagamit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng lahat ng posibleng paraan upang bantayan ang Scarborough Shoal, kilala rin bilang Bajo de Masinloc, sa West Philippine Sea upang matiyak na walang ilegal o reclamation activities sa lugar.
Ayon kay Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa WPS, gumagamit ang AFP ng iba’t ibang sensors—sea-based, land-based, air-based, at space-based—at may regular na sea at air patrols.
Ito ay bilang tugon sa tanong kung may namonitor na reclamation o construction sa shoal na nasa humigit-kumulang 124 nautical miles mula Zambales. Aniya, madali silang makapagpapadala ng eroplano o barko para kumpirmahin ang anumang ulat.
Sa ngayon, ayon kay Trinidad, ang namomonitor lamang ay ang mga inilagay na buoys at tali na humaharang sa entrada ng shoal. Binabantayan din ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy at China Coast Guard.
Idinagdag pa niya na nagkakaroon ng communication interference sa mga barko at eroplano ng Pilipinas kapag lumalapit ang mga ito sa mga sasakyang-dagat o artificial islands ng China sa WPS. RNT/MND