MANILA, Philippines – Inihayag ng Office of the Ombudsman na dadaan muna sa pagsusuri ang affidavit ng 18 umano’y dating miyembro ng Philippine Marines na nag-aakusang may mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng pera mula kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Ang pahayag ay inilabas matapos hikayatin ni Atty. Levi Baligod si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na imbestigahan ang notarized affidavit na kanyang isinumite.
Ayon sa Ombudsman, ang dokumento ay hindi pa isang verified complaint na nagsisimula ng pormal na proseso.
“At this stage, the submission is in the nature of a transmittal of an affidavit and is not yet a verified complaint initiating formal proceedings.”
Gayunman, sasailalim ito sa standard evaluation upang alamin kung may sapat na basehan at hurisdiksyon para magpatuloy. Susuriin din ang kredibilidad ng mga affiant at ang ebidensyang kalakip.
Binigyang-diin ng tanggapan na hindi ito maaaring gamitin bilang “political arena” at mananatiling independiyente, nakabatay lamang sa ebidensya, batas, at due process.
Nauna nang sinabi ni Baligod na ipinag-utos umano ni Co sa mga dating Marines na maghatid ng pera sa ilang opisyal ng gobyerno. Inakusahan din niya sina Co at dating Senador Antonio Trillanes IV na pondohan ang hotel accommodations ng mga imbestigador ng International Criminal Court sa kaso ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinanggi ng ICC Office of the Prosecutor ang alegasyon at sinabing ang kanilang gastusin ay mula sa opisyal na budget ng korte at may independent at transparent na accounting.
Samantala, sinabi ng Malacañang na layunin ng mga paratang na siraan ang ICC habang nagpapatuloy ang confirmation of charges hearings laban kay Duterte sa The Hague. Humiling din si Senador Imee Marcos ng imbestigasyon sa mga alegasyon, kabilang ang umano’y pagdadala ng pera sa bahay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Ilocos Norte. Tinawag naman ng Palasyo ang akusasyon laban sa Pangulo na isang “lousy script.” DANNY QUERUBIN