MANILA, Philippines – Nananatili ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na huwag makialam at idistansiya ang sarili mula sa International Criminal Court’s (ICC) pre-trial proceedings laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ginagalang ng gobyerno ng Pilipinas ang desisyon ng ICC na pagbigyan ang kahilingan ni Digong Duterte na ‘waive’ ang kanyang karapatan na dumalo sa pagdinig na nakatakda sa araw ng Biyernes.
“Ang Pangulo po kasi at ang administrasyon na ito ay hindi po makikialam sa nasabing hearing. Kung ang nais po ng dating Pangulong Duterte ay hindi magpakita sa taumbayan, kaniya pong desisyon iyan,” ani Castro.
“At kung ito naman po ay naresolba ng ICC na payagan siya na huwag magpakita at hindi maging present sa kaniyang sariling hearing, igagalang po natin iyan,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, mariing itinanggi rin ni Castro ang napaulat na di umano’y “secret cooperation” ng administrasyong Marcos sa ICC, kasunod ng alegasyon ng mga dating Marines ukol sa perang inihatid sa mga tauhan ng international court.
Giit ni Castro, ang alegasyon laban sa Pangulo ay walang basehan at pawang kasinungalingan lamang.
“Malamang, kung anuman ang motibo nila, malamang na maaaring i-discredit at tanggalan ng kredibilidad at integridad ang ICC, but mas concerned po tayo sa mga kasinungalingan na kanilang ibinabato sa ating Pangulo,” litaniya ni Castro.
Muli namang inulit ni Cstro na walang pag-uusap ukol sa posibilidad na muling pagsali ng Pilipinas sa ICC. (KRIS JOSE)